kaasar ano?
wala kang magawa kundi tumanga sa ere at maghintay ng sagot mula sa langit….kelan ba darating ang kinabukasang hinihintay mo? mapapatalsik mo ba ang duwendeng itim sa malacanang?….hindi dumarating ang kasagutan dahil sa mas malakas ang timbre ng duwende sa kalabang si ‘taning [siyempre #1 admirer siya ngayon ng duwende]…
nagngingit ka at para bang gusto mong mag-untog ng ulo ng isa sa mga aswang na pulis na nagpipigil sa karapatang mong iparamdam sa duwende sa malacanang ang nalalaman ng puso mo…alam mo na “no permit-no rally” ang style nila ngayon ….. pero tiim kamao mo pa ring nilalandas ang avenida at sumisigaw ka na lang para mapaalala sa kapwa mo tao ang tunay na nangyari at ang mga bagay na ninanais mo…
heto pa ang ilang kaakibat na mga tikbalang ng duwende at nagsasabi na “i-impeach natin ang kosa natin sabay block ng movement…bukod pa hindi na makakapagpasa ng impeachment ang oposisyon”… para kang lalong napatanga sa kawalan ng moralidad ng mga taong akala mo’y tutulungan ka sa puntong ito na me duwendeng nagpapangap na presidente…..
meron pang isang salamangkero na nagpapangap na tagapagpalaganap ng hustisya ang hanggang ngayon eh nananakot na ikukulong ka sa hawlang ipinagawa niya dahil may-ari ka ng sikat na tugtugin ngayon ang “hello garci”…. nakakatakot ano baka makindatan ka minsan eh magising ka na lang na para kang nilagay sa garapon….alam mo namang ang salamangkero’y walang kamuwangan sa tamang pagpalaganap ng batas at ang nai-isip lang eh ang pagtatakip sa duwendeng itim na nagbibigay sa kanya ng kapangyarihan….
meron pang ilang aswang na nagsa-baboy na mangangalakal na umi-ire at umo-oink-oink ng pagkalakas-lakas “she’s already sorry, we have to accept it. she has shown courage. its time to get the investors in”… kitang-kita mo kung bakit tumaba at bumundat ang mga tarantadong ito na uma-apila na huwag mong maintindihan na gusto rin nilang lamunin ang kokonti at kakarampot mong kinikita sa araw-araw…..
meron pang mga kapre na pinamumunuan ng isang babaeng me tama sa utak na lumilitanya ng “she did nothing wrong.there’s no impeachable offense here”….nagiisip ka tuloy na sa laki ng mga kapreng ito eh paanong nagkaroon ng napakaliit na utak…. umilag ka ng matindi dahil baka madaganan ka….
sumasakit na ang ulo mo…dahil rindido ka na… ayaw nilang sabihin ang tutoo at talagang pinagsisikapang pilitin na hiluhin at lituhin ang natitirang senyal ng iyung sariling kaisipan….
tapos hindi maalis at laging bumubulagang pabigla sa iyung kamuwangan ang isang maliit na telon na biglang nagluwa ng mukha ng duwendeng itim na mukhang napanood mo sa “Lord of the Rings” at lalong umiigting ang sinabi niyang walang sinseridad na “i’m sorry”… habang unti-unti ka niyang nililinlang… may palabok pa at nilalagyan pa niya ng “at great sacrifice to our family’s happiness”….para kang kimukulam dahil alam mong ito’s puro kasinungalingan at para sa pamilya ng duwende’y ito’y bakasyon lang sa lupain ng mga puti kung saan itinatago niya ang kanyang mga ginto’t kayamanang kinamkam sa kakarampot na pagasa ng mga kababayan mong itinaya sa jueteng at sa kabang yaman ng lupain ng iyung lahi….
o, nasaan ang kinabukasan aking hinihintay? kelan ko ba mapapatalsik ang duwendeng itim na nang-agaw sa palasyo ng masa sa malacanang? - mga tanong na lalong magpapapanting ng tenga mo sa bawat araw na lumalaban ka… hinihiling mo minsan eh tamaan ng kidlat ang duwende…. huwag kang mag-alala… hindi ka naman nagi-isa sa layunin mo… at sa bawat araw na nagdadaan eh dumarami pa rin namang mga kalahi mo ang unti-unting nagigising sa katotohanang ipinipilit itago ng mga buktot na maligno sa likod ng kanilang mga ngiti…. huwag kang matakot….unti-unti namang lumalakas ang mga bulong… inot-inot na parang ihip ng hangin na unti -unting lumalaki at dumadagundong…andito kami… kasama ka… tayo’y nagkakaisa sa layunin…nagkasama para isigaw at gawan ng paraan para “PATALSIKIN ANG DUWENDENG ITIM MULA SA PALASYO NG MASA - ANG MALACANANG!!!”
:p
… tawa ka naman…. kelangan nating tumawa at ngumiti sa mga panahong ito na ubod ng dilim…
Saturday, December 10, 2005
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment